Manila, Philippines – Hinikayat ng Kamara ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na isapubliko ang listahan ng nagastos sa ilalim ng right-of-way (ROW) para bigyang daan ang infrastructure project ng Duterte Administration.
Sa ilalim ng batas, may karapatan ang gobyerno sa right-of-way na mag-acquire o bumili ng property kung ito ay maaapektuhan ng infrastructure project ng gobyerno tulad ng tulay, kalsada at flyovers.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, naglaan ang gobyerno ng P28.9 Billion para sa right-of-way payments ng DPWH. Pero, mas mababa ang halagang ito ng 49% o P27.5 Billion kumpara sa P56.4 Billion na ROW payments ngayong taon.
Hinimok ni Pimentel ang DPWH na i-post sa website ang listahan ng payees, halaga ng ibinayad at mga acquired properties.
Ito ay para matiyak ang transparency at accountability matapos na ipag-utos ng Senate Blue Ribbon Committee sa Office of the Ombudsman at sa Department of Justice na magsagawa ng lifestyle checks sa mga pinaghihinalaang opisyal na sangkot sa multi-billion-peso ROW payment scam.
Aabot sa P8.7 Billion ang nalugi sa DPWH dahil sa pagbili at pagbabayad sa mga properties na may bogus land titles sa ilalim ng right-of-way projects.