Manila, Philippines – Hinimok ni Kabayan Representative Ron Salo ang pamahalaan na bigyan din ng 14th Month Pay ang mga nasa public sector.
Ayon kay Salo, bagaman at sinusuportahan niya ang panukalang inihain sa Senado ni Senate President Tito Sotto III na obligahin ang mga private employers na bigyan ng 14th Month Pay ang kanilang mga empleyado, hinikayat ng kongresista na idamay na rin ang pagbibigay ng 14th Month Pay sa public sektor o sa mga kawani ng gobyerno.
Iginiit ni Salo na pag-aralan din ng Duterte Administration ang pagkakaroon ng 14th Month Pay sa lahat ng government employees mula sa national hanggang local, ito man ay regular, contractual, casual o job order.
Aniya pa, ang pagbibigay ng ganitong benepisyo ay dapat para sa lahat ng mga manggagawa at empleyado sa bansa.
Inirekomenda pa ni Salo na ibigay ang 14th month pay sa lahat ng empleyado sa buwan ng Nobyembre upang may panggastos ang mga empleyado bago ang Pasko.
Hiniling ng kongresista na tukuyin na rin ng Budget Department at Finance Department kung magkano ang dapat na alokasyon sa nasabing benepisyo and kung ilang mga empleyado ng gobyerno ang makikinabang dito.