Manila, Philippines – Hinikayat ni Kabayan Party list Representative at Assistant Majority Leader Ron Salo na palakasin ang exports ng bansa sa Halal-certified food products.
Ayon kay Salo, bukod sa petroleum products na nakukuha mula sa OPEC countries ay gawing advantage ng bansa na palakasin ang ating Halal exports para mapalawak ang kalakalan sa mga bansa sa Gitnang Silangang Asya.
Batay aniya sa Department of Trade and Industry (DTI), aabot sa $3.2 Trillion ang global size market ng Halal products na malaking tulong sa bansa kung mapapalakas ang nasabing industriya.
Iminungkahi ni Salo na magkaroon ng certification offices at agencies sa Luzon, Visayas at Mindanao at hindi lamang sa Manila para mapalakas ang Halal industry.
Target naman ng DTI at ng Philippine Halal Export Development and Promotion Board na lagyan ng certification field offices ang mga lugar sa Mindanao kabilang ang Cotabato City, Kidapawan, Davao, General Santos, Zamboanga City, Cagayan de Oro City, at Butuan City.
Dagdag pa dito, nais din na i-harmonize at i-update ang Halal Standards na itinatakda ng National Commission on Muslim Filipinos, DTI, Department of Agriculture (DA), at Food and Drug Administration (FDA).