Manila, Philippines – Hinikayat ni Magdalo Party list Representative Gary Alejano na bago ilabas ang narco-list ng mga barangay officials na sangkot sa iligal na droga ay dapat may matibay na ebidensya.
Giit ni Alejano, hindi dapat mauwi muli sa public-shaming ng mga pulitiko at iba pang malalaking pangalan ang isasapubliko na listahan.
Mababatid na makailang beses na nagkamali ang Pangulo sa pagbanggit ng mga pangalan ng mga pulitiko na nasa narco-list at binawi din dahil hindi naman pala totoo.
Aniya, ang nangyaring ito ay lumikha ng pagdududa ng publiko sa narco-list.
Paalala ng kongresista, dapat manaig sa pagkakataon na ito ang pagsunod sa batas at pagbibigay ng due process bago ilabas ang listahan ng mga sangkot sa droga.
Sakali namang mapatunayang sangkot talaga sa iligal na droga ang isang barangay official, dapat itong mapanagot agad at huwag hayaang tumakbo sa halalan.