HINIKAYAT | Mga LGU, hinimok na gayahin ang QC na mayroong Insurance ang tricycle

Manila, Philippines – Hinikayat ng grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na sumunod at tularan na rin ang inisyatibo ng Quezon City Government sa pagpasa ng isang Ordinansa na magbibigay ng insurance para sa mga pasahero ng tricycle.

Ang pahayag ng grupo ay bunga na rin ng paghihigpit ng mga otoridad kamakailan sa operasyon ng mga tricycle dahil sa ilang ‘Safety Issue’ gaya ng overloading at pagdaan sa mga national highway kung saan hindi sila pinapahintulutan.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton na ngayon na ang panahon para atupagin ng Local Governments na gawing rekisito ang pagkakaroon ng tricycle passenger accident insurance ngayong ‘timing’ naman ang restriksyon ng LTFRB at MMDA.


Paliwanag pa ni Atty. Inton, hanggat walang polisiya ang isang LGU ay hindi rin tiyak ang kapakanan ng pasahero sakaling maaksidente sapagkat ang tricycle lang aniya ang katangi-tanging pampublikong sasakyan na hindi na kailangan ng insurance para mabigyan ng prangkisa.

Kaugnay nito, mahigpit namang babantayan ng LCSP ang magiging pinal na bersyon ng Quezon City Council hinggil sa proyekto nitong paglaan ng P20 million pesos na insurance ang mahigit sa dalawamput-limang libong naka-rehistrong tricycle units sa lungsod.

Batay sa panukala, ibibigay umano ito ng libre sa unang taon ng implementasyon habang pinag-aaralan pa ng konseho kung ano naman ang magiging setup nito sa nga susunod na taon.

Ikinalulugod naman ng grupo ni Inton na sa wakas ay may nanguna nang nagsusulong sa matagal na nilang apela na magkaroon ng insurance ang mga tricycle na karaniwan nang sinasakyan ng mga ordinaryong mamamayan papunta o pauwi mula sa trabaho at eskwelahan.

Facebook Comments