Hinikayat ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles ang National Food Authority na bilhin na ang mga palay ng mga lokal na magsasaka kasunod na rin ng banta ng super typhoon Mangkhut.
Ayon kay Nograles, kailangan unahan ng pamahalaan ang paparating na bagyo at mabili na agad ang mga aning palay ng mga magsasaka.
Sinabi nito na kailangan ding itaas ng NFA Council ang kanilang buying price ng palay sa 22 pesos mula sa kasalukuyang 17 pesos upang kayanin ng NFA na makipagtagisan sa mga pribadong mangangalakal ng bigas.
Paliwanag nito, kailangan ng magkaroon ng pagtaas sa buying price dahil simula noong 2008 ay pareho pa rin ito.
Sinabi pa ng mambabatas na lumalabas ang pagkiling ng gobyerno sa pag-angkat ng bigas mula sa Vietnam samantalang isinasantabi nito ang mga panawagang itaas ang “buying price” ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.