Manila, Philippines – Nagbabala ang ilang taga oposisyon na hindi dapat magpadala sa patibong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang simbahan sa plano nito na pakikipagdayalogo.
Hinikayat ni Akbayan Representative Tom Villarin ang mga taga-simbahan na magkaisa na ipagtanggol ang kanilang pananampalataya sa halip na makipag-usap sa administrasyon.
Iginiit ni Villarin, na hindi na ngayon ang panahon ng pag-aaral at reflection bagkus ang dapat anyang gawin ng bawat isa ay kumilos upang maprotektahan ang pagkawasak ng institusyon.
Dapat aniyang pangunahan ni Manila Archbishop Luis Cardinal Tagle ang paghingi sa gobyerno na wakasan ang impunity at pairalin ang rule of law.
Ipinagtataka naman ang mambabatas kung bakit hindi nakikita ni Tagle ang complete picture ng mga naging pahayag ng Pangulo laban sa Diyos at leader ng simbahan gayundin ang iba pang mga ginagawa nito tulad ng mga Extra Judicial Killings (EJK) at ang pagbebenta ng soberanya ng bansa sa China.