Manila, Philippines – Hinimok ni dating Bayan muna Representative Neri Colmenares si Pangulong Rodrigo Duterte na ipawalang-bisa ang TRAIN Law na Pamaskong handog ng Pangulo sa Sambayanang Filipino noong 2017.
Ayon kay Colmenares, Chairman ng Bayan Muna, kung hindi pipigilan ng Pangulo ang implementasyon ng TRAIN Law ay lalo pang malulubog sa kahirapan ang mga mamamayan dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin at patuloy na pagtaas ng inflation sa bansa.
Paliwanag ni Colmenares iyan aniya ay sa kabila na ang unang Tranche pa lamang ng pagtaas sa singil sa buwis ang umiiral ngayon, ngunit mayroon pa aniyang nakaambang pagtaas na P2.50 sa Enero 2019 at ang ikatlo sa Enero 2020.
Nababahala rin ang dating mambabatas dahil ngayon ay mayroon pang inuunang na TRAIN 2 na maaaring maging batas na rin sa mga susunod na araw.
Dagdag ni Colmenares, hindi dapat naging ambisyoso ang adminitrasyon sa pagsusulong ng mga proyekto gaya ng “Build Build Build” dahil wala naman aniyang tiyak na pagkukunan ng pondo para rito.
Dapat aniya ay nagpatupad ng mga proyekto at programa ang pamahalaan na naaayon sa hawak nitong pondo.
Si Colmenares na isang Human Rights Lawyer at aktibista ay naniniwalang kung tatalikuran na lamang ng Pangulo ang mga ambisyosong programa at proyekto ay hindi malalagay sa ganito kahirap na sitwasyon ang mga mamamayang Pilipino.