Manila, Philippines – Hiniling ni Leyte Representative Henry Ong sa gobyero na agad ipa-freeze ang bank accounts ng mga opisyal ng militar na sangkot sa anomalya sa V. Luna General Hospital.
Ito ay kasunod ng pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 20 opisyal ng AFP kasama sina AFP Health Service Commander Brigadier General Edwin Torrelavega at V. Luna Medical Center Commander Colonel Antonio Punzalan.
Ayon kay Ong, dapat makipag-ugnayan si AFP Chief of Staff General Carlito Galvez sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Department of Justice (DOJ) para sa mabilis na mai-freeze ang bank accounts at iba pang liquid assets ng mga nasabing opisyal.
Aniya, maaaring anumang oras ay inililipat na ng mga nasabing opisyal ang pera para makaiwas sa pananagutan.
Maliban rito, hiniling din ni Ong na i-revoke ang lahat ng formal bank signatory authority at suspendihin ang paglagda ng disbursements at pagproseso ng Special Allotment Release Orders o SARO.
Sabi pa ni Ong, ang lahat din ng financial records, paper at electronic trail ng kwestiyunableng transaksyon ay kailangang ingatan para magamit sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).