Manila, Philippines – Bagamat ibinasura ng Korte Suprema ang hiling na maging partido sa kaso laban sa napatalsik na si Dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, hiniling nina Senador Leila de Lima at Antonio Trillanes na baligtarin ng hukuman ang pagpabor nito sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.
Sa 25-pahinang motion for reconsideration, iginiit ng dalawang senador na walang hurisdiksyon sa kaso ang Korte Suprema.
Hiling nila, kung hindi man ibasura ang quo warranto petition ay ipagpaliban muna ng Korte Suprema ang pinal na aksyon nito sa kaso habang inaantabayanan pa ang kahihinatnan ng impeachment proceedings.
Anila, impeachment lamang naman ang tanging paraan para mapatalsik sa pwesto ang isang impeachable officer gaya ng punong mahistrado.
Ang pag-aksyon din umano ng Korte Suprema sa quo warranto petition ay maituturing na paglabag sa prinsipyo ng separation of powers.
Sa desisyon ng Korte Suprema noong May 11, 2018, ibinasura nito ang hiling nina De Lima at Trillanes na maging intervenor sa kaso dahil wala pa naman silang legal interest sa kaso bilang mga Senator-Judge dahil hindi pa naman naihahain sa Senado ang articles of impeachment.