HINILING | Gobyerno, hinikayat na bilhin ang dating shares nito sa Petron kasunod ng mataas na singil sa mga produktong petrolyo

Manila, Philippines – Hiniling ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na i-repurchase o bilhin muli ng gobyerno ang Petron Corp. matapos ibenta noon ang 40% ng shares nito sa Ashmore group noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Ang suhestyon na ito ay kasunod ng pagtataas sa gasolina na P1.60 kada litro, diesel na P1.15 kada litro, at kerosene na P1 kada litro ngayong araw.

Dahil dito, pinamamadali ni Zarate sa Kamara ang pagpapasa ng tatlong panukala na pinaniniwalaang pangmatagalang solusyon sa problema sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ang House Bills 1760 o pag-renationalize ng Petron , 3676 o pag-regulate ng gobyerno sa oil industry at 3678 o gawing sentralisado ang procurement ng petroleum products sa bansa.


Ayon kay Zarate, maaaring mapababa ang presyo sa mga produktong langis at petrolyo sa bansa kung aaprubahan ang mga nasabing panukala lalo na ang repurchase ng pamahalaan sa Petron.

Sa ganitong paraan aniya ay magiging self-sufficient at magkakaroon ng kontrol ang gobyerno sa presyo ng produktong petrolyo at maiiwasan na ang mga pagmamalabis sa publiko ng mga oil cartels.

Aniya, mula ng maibenta ang shares ng Petron sa pribadong kumpanya ay 95% ng oil at petroleum products sa bansa ay imported at nadidiktahan na ng mga malalaking transnational corporations ang presyuhan ng langis sa merkado.

Facebook Comments