HINILING | Kamara, pinagsasagawa ang Customs ng demo sa mga magnetic lifters

Manila, Philippines – Hiniling sa joint investigation ng House Committee on Dangerous Drugs at Public Accountability na magsagawa ng demo sa mga magnetic lifters kasabay ng isinagawang imbestigasyon sa tinatayang P6.8 Billion illegal drugs sa GMA, Cavite.

Ayon kay Dangerous Drugs Committee Chairman Robert Barbers, ito ay para makita ang kaibahan ng magnetic lifters na naglalaman ng iligal na droga at sa walang laman na container kapag naidaan sa x-ray machine.

Sa pagdinig ay nagkaroon pa ng debate sa itsura ng magnetic lifters na may lamang droga at sa walang laman dahil sa magkaibang sinasabi nila ex-Bureau of Customs (BOC) X-ray Inspection Project Chief Ma. Lourdes Mangaoang at BOC-XIP John Mar Morales.


Hindi rin malinaw na naipaliwanag sa ipinakitang presentation ni Mangaoang kung paano matutukoy kung may lamang kontrabando ang isang magnetic lifter base sa weighing analysis, chemical analysis, pseudo-color at density.

Inirekomenda naman ni Mangaoang na idaan na agad sa xray ang mga magnetic lifters habang nasa Cavite pa ang mga ito bago ang pagsasagawa ng mismong demo para maihambing ang itsura ng mga magnetic lifters na may droga at sa walang laman.

Samantala, ipinapasubpoena ng komite ang mga public officials at maging mga private individuals na sinasabing dawit sa pagpapalusot ng bulto-bultong droga sa bansa.

Kasama sa ipinapasubpoena si dismissed PNP Senior Superintendent Eduardo Acierto.

Si Acierto ang itinuturong ni Resigned Customs intelligence officer Jimmy Guban na nagutos sa kanya para i-hire ang SMYD bilang consignee sa mga magnetic lifters na bahagi umano ng kanilang intelligence operations.

Sa pagdinig ngayong araw ay hindi rin ma-klaro ni Guban ang pagkakasangkot naman ng napatalsik na PDEA Deputy Chief Ismael Fajardo sa pagpasok ng magnetic lifters.

Facebook Comments