HINILING | Kaso ng pagpatay kay Kian Delos Santos, pinabubuksan ng Makabayan

Manila, Philippines – Kinalampag ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang Mababang Kapulungan na buksan ang kaso ng pagpatay ng Police Caloocan sa 17 anyos na si Kian delos Santos.

Ito ay kasunod ng isang taong paggunita sa kamatayan ni Kian na nasawi sa kasagsagan ng war on drugs ng Duterte administration.

Ayon kay Zarate, walang naganap sa Kamara na imbestigasyon sa insidente ng pagpatay kay Kian at hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot dito.


Giit ng kongresista, dapat na buhayin at magsagawa ng sariling pagsisiyasat ang Kamara sa pagpatay kay Kian at sa iba pang kaso ng ejks at human rights violations.

Sinabi naman ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao na ang ‘war on drugs’ ng pamahalaan ay nauwi sa ‘war against the poor’ dahil mga mahihirap lamang ang nabibiktima gayong ang mga sindikato sa likod ng P6.4 Billion noong May 2017 at P6.8 Billion na drug smuggling ngayong Agosto ay hindi napapanagot.

Asahan na aniya na patuloy na tataas ang dissatisfaction ng publiko sa pamahalaan at darating din ang panahon na pananagutin ng taumbayan ang Pangulo.

Facebook Comments