Manila, Philippines – Hiniling ni Leyte Rep. Henry Ong sa Department of Energy (DOE) at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na ibaon na sa lupa ang linya ng kuryente, komunikasyon at cable television sa buong bansa.
Layunin ng suhestyon na ito ni Ong na maiwasan ang blackout at aksidente dahil sa mga napuputol na kawad at natutumbang poste tuwing may kalamidad o malakas na bagyo.
Paliwanag ni Ong, walang ibang lugar na ligtas na mapaglalagyan ang mga kawad ng kuryente at iba pang kable kundi ang pagbaon dito sa ilalim ng lupa.
Kailangan aniyang simulan na gawin ito sa 2019 sa ilalim ng climate change adaptation and disaster mitigation program.
Batid naman aniya ng pamahalaan na ang bansa ay daanan at sinasalanta ng maraming bagyo taon-taon na madalas ay sing-lakas ng bagyong Yolanda.
Inirekomenda ng kongresista na unti-untiin ang underground cabling sa mga lugar na dinadaanan ng bagyo, ang Eastern Visayas, Bicol region, Northeastern Mindanao at eastern seaboard ng Luzon
Dahil mangangailangan ito ng malaking investment at mabusising pagpaplano, iminungkahi ng mambabatas na itulad ang underground cabling sa buong bansa sa model o prototype ng underground cabling sa Davao City.