Manila, Philippines – Hiniling ni Senior Citizens Partylist Rep. Francisco Datol Jr., na i-hold muna ang plano ng Department of Transportation ng pag-phase out sa mga lumang trucks.
Ito ay matapos matuklasan sa pagdinig ng Metro Manila Development Committee na walang ibinigay na scientific basis ang DOTR para sa pag-phase out ng mga lumang trucks na nasa 15 taon na pataas.
Bagama’t maaaring tukuyin ang edad o kalumaan ng isang truck sa petsa ng manufacture nito sa abroad, malaking problema naman ang pagtukoy sa mga truck na pinalitan ang makina at iba pang piyesa.
Dahil sa mga kakulangan ng ganitong impormasyon, hinimok ni Datol ang komite at DOTR na i-postponed muna ang planong pagphase out sa mga lumang trucks at aralin ang magiging epekto nito sa mga truckers association at sa publiko.
Milyon-milyon aniya ang mawawalan ng hanapbuhay at magkakaroon ng negatibong epekto sa commercial value ng mga produkto dahil sa mga hindi naihahatid na produkto at serbisyo.
Kinalampag din nito ang LTO na pabilisin ang Motor Vehicle Inspection System (MVIS) para sa inspeksyon at pagrerenew ng vehicle registration ng mga sasakyan.