Manila, Philippines – Hinikayat nila ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro na isama sa 2019 national budget ang dagdag na sweldo at benepisyo sa mga public school teachers.
Iginiit ng mga kongresista na dapat isama ng Department of Budget and Management at Department of Education ang mga nabanggit na insentibo para sa mga guro alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Duterte na gawin ang makakaya para sa umento sa sahod ng mga guro.
Nasa P29,668 ang minimum entry na sahod na hinihiling para sa mga public school teachers habang free medical examination, pagpapagamot at overtime pay naman ang mga benepisyong hinihingi salig na rin sa Magna Carta For Public School Teachers.
Ipinaalala naman ni Castro na tungkulin ni Education Secretary Leonor Briones na isulong ang kapakanan at ang budget para sa mga guro.
Panahon na rin para suklian at ibalik sa mga guro ang kanilang mga paghihirap at naiambag sa larangan ng edukasyon sa bansa.