Hiniling ni Kabayan Representative Ron Salo sa iba pang wage board sa bansa na ipatupad na rin ang dagdag sa sahod sa lahat ng rehiyon.
Ang panawagan ay kasunod na rin ng pagtaas ng inflation rate sa 6.7% nitong Oktubre at ang ipinatupad na P25 na arawang dagdag sa minimum na sweldo ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Ayon kay Salo, hindi lamang mga taga-Metro Manila ang apektado ng mataas na bilihin.
Aniya, malaking tulong para sa mga nakatira sa mga lalawigan ang karagdagang sahod sa gitna ng pagsirit ng inflation lalo at iba’t iba din ang pagtaas ng inflation sa bawat rehiyon sa bansa.
Inihirit din ng kongresista na kailangan pang sundan ng panibagong umento sa sahod ang P25 daily minimum wage dahil hindi ito sasapat sa gastusin ng isang pamilya.
Kinalampag din ng mambabatas ang gobyerno na bilisan pa ang pagkilos upang pababain ang inflation sa bansa.
Sa Kamara may nakabinbing panukala ang Kabayan Partylist na itakda sa P600 ang minimum wage sa buong bansa.