Manila, Philippines – Hiniling ni Akbayan Rep. Tom Villarin sa Kamara na bigyan ng zero budget ang Presidential Communications Operations Office sa 2019.
Ang suhestyon ni Villarin ay kasunod ng kumalat na malaswang dance video sa social media ni Asec. Mocha Uson tungkol sa Federalismo.
Giit ni Villarin, kung sa ganitong gawain lamang napupunta ang pondo ng taumbayan, marapat lamang na alisan ng budget sa susunod na taon ang PCOO at ilaan ito sa mga proyektong tunay na mapapakinabangan ng publiko.
Sinabi pa ng kongresista na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nalagay sa kahihiyan ang PCOO katulad ng mga simpleng spelling o grammar error at ang pagbibigay ng mga maling impormasyon mula sa mga appointing officials ng ahensya.
Ipinaalala ni Villarin kay Uson na hindi isang comedy bar ang Presidential office at dapat itong umakto na naaayon sa kanyang posisyon bilang public official na may integridad at respeto.