Manila, Philippines – Sumugod sa harap ng Sandiganbayan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ang mga militanteng grupo.
Iginiit sa Sandiganbayan ng grupong Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detention at Aresto o SELDA na makulong na agad si dating unang ginang Imelda Marcos kasunod ng guilty verdict na hinatol ng 5th Division sa kanyang kasong graft.
Ayon kay SELDA Chairperson Trinidad Herrera- Repuno,d apat arestuhin na agad at ipasok sa bilangguan si Mrs. Marcos para mapanagot sa kanyang kasalanan.
Hindi rin nila nagustuhan ang pahayag ni PNP Chief General Oscar Albayalde matapos sabihin nito na kailangan ikonsidera ang edad ng unang ginang kaya hindi nila agad maaresto.
Aniya habang kinukonsidera ni Albayalde ang edad ng dating unang ginang, nagawa pa nito na dumalo sa birthday party ni Mayor Inday Sara Duterte.
Giit pa ng martial law victims, kung hindi magagawa ng Sandiganbayan ang pagpapakulong kay Mrs. Marcos sa kabila ng guilty verdict nito, mawawalan ng tiwala ang mamamayan sa anti-graft court.