Manila, Philippines – Hinimok naman ngayon ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles ang Senado na madaliin na ang pagpapasa sa P1.6 Billion supplemental budget para sa Dengvaxia victims.
Umaasa si Nograles na bago mag-recess ang Kongreso sa Huwebes ay aaprubahan na rin ng Senado ang karagdagang pondo para sa mga biktima o nabakunahan ng Dengvaxia vaccine ng DOH.
Ayon sa mambabatas, kapag naipasa ang supplemental budget, hindi na mangangailangan pang maghagilap ng pondo ang DOH mula sa iba pa nilang programang pangkalusugan.
Magbibigay din aniya ito ng sapat na serbisyong medikal sakaling mangangailangan ang kanilang mga kapamilya.
Sa ilalim ng supplemental budget, popondohan nito ang mga gawaing kaugnay sa pagpapagamot ng mga biktima kagaya ng profiling, tutok na serbisyo ng mga doktor at nurse, mga karagdagang pag-aaral at iba pang serbisyo.