Manila, Philippines – Hinimok ni Liberal Party o LP President Senator Kiko Pangilinan ang sandatahang lakas at pambansang pulisya na huwag ipatupad ang ilegal na pag-aresto kay Senator Antonio Trillanes IV.
Kasunod ito ng inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na Proclamation Order Number 572 na nagpapawalang-bisa sa amnesty na ipinagkaloob kay Trillanes ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Dismayado si Pangilinan dahil imbes na solusyunan ang krisis sa bigas, ay mas pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapatahimik sa mga kritiko nito gamit ang mga pamamaraang iligal at labag sa batas.
Pagtiyak ni Pangilinan, suportado nila si Trillanes at gagawin nila ang lahat ng paraang ligal para labanan ang aniya ay iligal at abusadong pagpapatupad ng kapangyarihan ng pagka-Pangulo.
Diin ni Pangilinan, ang Proclamation Number 75 na naggawad ng amnesty kay Trillanes noong 2010 ay inaprubahan ng Kongreso kaya hindi basta-basta maisasantabi ng kapritso ng iisang tao.