Manila, Philippines – Hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang publiko na makialam at magsumbong sa mga awtoridad hinggil sa mga insidente ng pambu-bully na kanilang nasaksihan.
Ayon kay DepEd Director for Legal Services Suzette Medina, ito ay dahil sa kawalan ng lakas ng loob ng mga biktima na makapagsumbong.
Aniya, lahat ng klase ng pinsala, mapa-pisikal, mental o emosyonal ay itinuturing nang bullying.
Batay sa datos ng DepEd hanggang Hunyo ngayong taon, nakapagtala na sila ng 22,509 na insidente ng bullying sa buong bansa mula 2016 at 2017 kung saan malaking bilang nito ay mula sa Metro Manila.
Payo ni Medina, iwasan na lamang at huwag ng lapitan o sagutin kung meron mang mangyaring pambubully o pangungutya.
Pinakamagandang gawin aniya ay ang magsumbong agad sa mga awtoridad.