Manila, Philippines – Naniniwala si Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers na dapat maglaan ang broadcast media ng kahit 20 minuto ng regular airtime bawat araw para sa public service announcements.
Kaya inihain ni Barbers ang House Bill 7981 na humihimok sa media na tumulong na parunungin ang publiko tungkol sa welfare rights and benefits, environmental issues, education, suicide prevention at voter and civil education.
Sa ilalim ng panukala, mabibigyang kaalaman ang publiko tungkol sa mga polisiya at batas, physical at mental health, proseso sa gobyerno, disaster preparedness at public safety.
Ayon kay Barbers, ang public service announcements ay epektibong paraan para mabigyang kamalayan ang publiko sa critical issues at maisulong ang behavioral change.
Nakasaad pa sa panukala na kailangang i-ere ang 30 segundong public service announcement bago ang primetime news sa lahat ng telebisyon at radyo.
Ang mga public service announcement ay dapat non-commercial, non-denominational, non-political, at nagbabago sa loob ng anim na buwan para masakop ang iba’t-ibang social issues.