Manila, Philippines – Hinimok ni Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza si Pangulong Duterte na ipag-utos na ang mandatory Pre-Shipment Inspection (PSI) sa lahat ng mga ‘containerized imports’ na papasok sa bansa.
Layunin ng suhestyon na ito ni Atienza na matigil na ang large scale smuggling ng iligal na droga sa bansa gayundin ang malawakang smuggling sa mga high-value farm products, electronics, mga sasakyan, apparel at iba pang iligal na kontrabando.
Ayon kay Atienza, nasa posisyon ang Pangulo ng bansa para ipag-utos ang mandatory na inspeksyon mula sa bansang pinagmulan ng mga containerized cargoes bago makapasok sa bansa.
Aniya pa, inoobliga na ng Bureau of Customs (BOC) na sumailalim sa pre-shipment inspection ang mga ‘bulk at break-bulk imports’ kaya dapat na rin itong gawin sa mga imports na isinilid sa mga containers tulad na lamang sa nakalusot na P11 Billion na shabu shipment.
Naniniwala si Atienza na makakatulong ang PSI para mawakasan na rin ang korapsyon sa BOC.
Makakatulong din aniya ito para maitaas ang annual collection sa import ng BOC sa 50% o P350 Billion.