HINIMOK | PRRD, hinikayat na taasan na ang buying price ng palay

Hiniling ng Makabayan sa Kamara na ipag-utos na ni Pangulong Duterte ang pagbili ng palay sa mga local farmers sa halagang P20 kada kilo.

Giit ng Makabayan, si Pangulong Duterte ang responsable sa krisis sa bigas na nararanasan sa bansa.

Dapat umanong bumili ang gobyerno ng maramihan na palay mula sa mga lokal na magsasaka sa presyong P20 per kilo mula sa kasalukuyang P17 per kilo at gawin itong available sa lahat ng mga tindahan sa bansa sa murang halaga.


Paliwanag ng Makabayan, ang P7 Billion na subsidiya ng gobyerno para ngayong taon kung ibibili ng palay sa halagang P20 kada kilo ay makakalikom ng 350,000 metric tons ng palay o 4.5 million bags ng milled rice.

Dapat ring samantalahin ng pamahalaan ang harvest season sa bansa dahil makakatulong ito para kumita ang mga local farmers at sa pagpuno ng kakulangan sa suplay ng bigas.

Inirekomenda din ng Makabayan na sa halip na i-abolish ang NFA ay dapat pa ngang taasan ang budget ng ahensya para sa pagbili ng palay sa mga magsasaka.

Hinimok din ang pagpapataw ng price control sa Zamboanga Peninsula at iba pang lugar sa bansa para matigil ang manipulasyon sa presyo ng bigas ng mga rice cartels.

Facebook Comments