Humihingi pa ang Deparment of Trade Industry (DTI) ng dagdag na detalye sa Philippine Baking Industry Group o PhilBaking kaugnay sa kanilang hiling na dagdag na apat na piso para sa presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.
Ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng raw materials sa pagawa ng mga nabanggit na tinapay.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na kailangan muna nilang makuha ang buong detalye ng hirit ng PhilBaking bago nila pag-aaralan kung kailangang itaas o hindi ang presyo.
Importante raw kasi na makumpleto at matiyak na may pinagbabasehan ang PhilBaking sa kanilang hiling na taas presyo.
Nilinaw naman ni Castelo na ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ay basic needs kaya kasama ito sa Suggested Retail Price o SRP bulletin.
Iba aniya ang kategorya ng Noche Buena products kaya Noche Buena price guide lang ang kanilang ilalabas pagsapit ng Disyembre.