
Malabo pang mapagbigyan ang hirit na dagdag-pasahe ng ilang sektor ng transportasyon, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng gastos sa operasyon dulot ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sa isang pahayag, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor Mendoza II na batay sa kanilang kalkulasyon ay kaya pa namang saluhin ng mga transport operator ang kasalukuyang gastos.
Dagdag pa niya, hindi pa maaaring mamahagi ng fuel subsidy dahil hindi pa umano umaabot sa 80 US dollars kada bariles ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan.
Gayunman, ayon kay Mendoza, kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina at lalo pang mabibigatan ang mga drayber at operator, ikokonsidera ng ahensya ang pag-apruba sa hirit na dagdag-pasahe.
Aniya, patuloy nilang binabalanse ang kapakanan ng mga pasahero at ang kalagayan ng mga drayber at operator.










