Hirit na dagdag pondo ng TESDA, pag-iisipan pang mabuti ng mga Senador

Nag-aalangan pa ang Senado na pagbigyan ang hiling ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na itaas sa P14.18 billion ang proposed 2021 budget nito na nagkakahalaga ng P13.7 billion.

Duda si Senator Nancy Binay kung may operasyon ang lahat ng TESDA training centers dahil may pandemya at face to face naman ang mga klase nito.

Si Senator Imee Marcos naman ay kinukwestyon ang 10% na planong dagdag budget ng TESDA sa harap ng umiiral na mga lockdown o limitasyon sa pagbiyahe.


Diin naman ni Senator Joel Villanueva, may natira pang P3.6 billion sa pondo ng TESDA noong 2019 at mayroon pa itong P7.2 billion na hindi nagagamit sa budget ngayong taon.

Sa budget hearing ng Senado ay ipinaliwanag ni TESDA Director General Isidro Lapeña, nagkaroon ng delay ang paggastos at pagpapatupad ng kanilang mga programa dahil noong 2019 ay midtem elections at ngayong taon naman ay may pandemya pero babawi raw sila hanggang sa Disyembre.

Ipinaliwanag din ni Lapeña na kaya may dagdag silang travel budget ay dahil may mga tauhan silang kailangang maglibot kahit noong umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) para magkaloob ng training assistance.

Facebook Comments