
Pinagbigyan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang hirit nina Pasig Lone District Rep. Roman Romulo at Rep. Danny Domingo para sa pagsasagawa ng executive session.
Humiling ng closed-door hearing ang panig ni Romulo dahil, ayon sa abogado nito, posibleng malagay sa panganib ang buhay at kaligtasan ng kongresista sa oras na mailabas sa publiko ang sensitibong impormasyon. Iginiit din ng abogado na maaaring magamit nang mali ng publiko ang livestream at makasira pa sa reputasyon ni Romulo lalo na’t wala silang pagkakataong makapagbigay ng kontra-pahayag.
Kaugnay nito, kapareho rin ng dahilan ng kampo ni Domingo ang kanilang hiling, dahil anila ay posibleng makatanggap ng mas maraming pambabatikos ang mambabatas, lalo’t nangunguna ang Bulacan sa usapin ng flood control anomaly.
Samantala, pumayag si Romulo na isapubliko ang kanyang isusumiteng affidavit sa ICI.
Ayon sa kongresista, boluntaryo siyang humarap sa komisyon at wala siyang liham na humihiling ng executive session, na aniya’y kanina lamang niya in-invoke.
Una nang sinabi ni Romulo na dumalo siya sa hearing ng komisyon dahil inirekomenda ng House speaker na ang ICI ang pinakamainam na forum para marinig ang panig ng mga nadadawit na kongresista sa flood control scam.









