Hindi tama at hindi makatwiran para kay Senator Koko Pimentel ang idea ni Health Secretary Francisco Duque na gawin ng Kongreso na mandatory ang pagpapaturok ng dalawang doses at booster ng COVID -19 vaccine.
Diin ni Pimentel, kinikilala ng Konstitusyon ang karapatan natin sa ating katawan o sa ating kalusugan kaya hindi maaring gawing legal na ipilit sa atin ang COVID-19 vaccine na tinatayang may 1.5% na mortality rate.
Ipinaliwanag din ni Pimentel na nananatili pang experimental ang bakuna kontra COVID-19 kaya scientifically unsound o hindi ayon sa agham na gawin itong mandatory.
Giit pa ni Pimentel, mas lalong unethical at immoral na gawing mandatory ang bakuna at booster kontra COVID-19 batay lang sa dahilan na milyun milyong doses nito ang malapit ng mag-expire at sa pangamba na may mapuna dito ang Commission on Audit.