Manila, Philippines – Walang suportang nakuha mula sa mga senador ang hirit na isailalim sa land reform ang Boracay na ngayon ay nakasara para sa rehabilitasyon.
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ni Agrarian Reform Undersecretary Luis Meinrado Pañgulayan na bilang pagsunod sa deriktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pinag-aaralan na nila kung aling bahagi ng Boracay ang maaring isailalim sa land reform program.
Sabi naman ni DAR Undersecretary David Erro, lalagyan nila ng 30 centimeters hanggang 1 metrong topsoil ang bahagi ng Boracay na ipapamigay sa mga magsasakang benepisaryo ng land reform program.
Sa tingin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, imposible itong maisagawa at pinagsabihan din niya ang DAR na huwag hihingi ng budget pambili ng topsoil.
Maging si Senadora Cynthia Villar ay kumbinsido na imposibleng maisailalim sa land reform ang Boracay dahil ang 300 mahigit na ektarya nito ay forest land na hindi magagalaw habang ang natitirang 300 plus hectares ay natituluhan na ng pribadong sektor kung saan kulang-kulang 300 ektarya na lang ang natitira na maaring ipamigay.
Giit naman ni Senador Antonio Trillanes IV, kalokohan ang nais ng Pangulo na mangyari sa Boracay at tiyak na mayroong motibo sa likod ng nabanggit na deriktiba.