Wala nang pag-asa pa na muling isalang sa deliberasyon ang Absolute Divorce Bill.
Sa naging Kapihan sa Manila Prince Hotel, sinabi ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na tapos na ang nasabing usapin at ang naturang panukalang batas ay pag-uusapan na sa Senado.
Ayon pa kay Lagman, hindi na rin maaari pa magkaroon ng botohan dahil malinaw na nanalo ang mga pabor sa bilang na 131 habang 109 ang tumutol at 20 naman ang nag-abstain.
Matatandaan na unang inihayag ni Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta na iapela kay House Speaker Martin Romualdez na muling isalang sa deliberasyon ng Kamara ang panukalang Absolute Divorce Bill dahil maraming kongresista ang hindi pa lubusan alam ang laman ng panukala.
Iginiit ni Lagman, karamihan sa mga kapwa niya kongresista lalo na ang mga nag-abstain ay kaniyang nakausap kung saan nagsabi ang mga ito na iyon ang kanilang boto dahil magkakaroon sila ng problema sa kanilang simbahan.