Hirit na political amendments sa Konstitusyon, siguradong ibabasura ng Liderato ng Kamara

Siguradong itatapon sa basurahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang liham ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na humihiling na isabay ang political amendments sa isinusulong na pagbabago sa 1987 Constitution.

Tiniyak ito ni Cagayan de Oro 2nd District Representative Rufus Rodriguez na siya ring Chairman ng House Committee on Constitutional Amendments.

Diin ni Rodriguez, malinaw sa ilang beses na pahayag ni Romualdez na ang sinusuportahan nito ay ang paninidigan ni Pangulong Ferdinang “Bongbong” Marcos Jr., na tanging mga economic provisions lang sa Saligang Batas ang dapat baguhin.


Ayon kay Rodriguez, hinding hindi niya susuportahan ang political amendments sa ating konstitusyon lalo’t hindi rin ito kasama sa Resolution of Both Houses Number 7 na ipinasa ng Kamara.

Una rito ay sinabi ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo na nakarating na kay Speaker Romualdez ang naturang suhestyon ni Gadon.

Binanggit ni Tulfo na pupulungin muna ni Romualdez ang House leadership at party leaders upang talakayin ang mga rekomendasyon ni Gadon.

Facebook Comments