Masusi pang pinag-aaralan sa ngayon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang hirit na taas-pasahe ng ilang transport groups bunsod nang walang prenong oil price hike.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni LTFRB Executive Director Kristina Cassion, naiintindihan nila ang sentimyento ng mga tsuper at operators pero kanila lamang binabalanse dahil maging ang mga commuters ay apektado na rin sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, kapag pinagbigyan nila ang fare increase ay mababawasan ang take home pay ng mga manggagawa gayung mayroon namang ‘basket of solution’ ang pamahalaan kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Paliwanag nito, may inilaang pondo ang gobyerno para sa fuel subsidy ganon din para sa service contracting program at patuloy rin ang ugnayan nila sa mga oil player para sa pagbibigay ng diskwento sa gasolina sa mga pampublikong transportasyon.
Samantala, itinakda ng LTFRB sa March 22 ang susunod na pagdinig hinggil sa nasabing hirit ng transport group na dagdag-pasahe at inaasahang makakapaglabas na ang ahensya ng pinal na desisyon sa mga susunod na araw.