Hirit na taas pasahe sa mga jeep sa gitna ng panibagong malakihang taas-presyo sa produktong petrolyo bukas, posibleng mapagbigyan ayon sa LTFRB

Aminado si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Atty. Cheloy Garafil na may pangangailangan ng itaas ang pasahe sa mga jeep.

Kasabay ito ng inaasahan na naman na malakihang dagdag-presyo o higit P6.00 taas-presyo sa kada litro ng diesel bukas.

Sa isinagawang virtual briefing ng LTFRB, sinabi ni Garafil na ang usapin na lang ay kung magkano ang itataas.


Masyado na aniya hinog ang petisyon para sa taas pasahe dahil noong huling humirit ang mga jeepney operator ay P44.00 ang kada litro ng diesel kung saan halos doble na ang itinaas nito.

Tiniyak naman ni Garafil na ikukunsidera sa pagdedesisyon ng LTFRB boards ang epekto nito sa inflation at maging ang purchasing power ng publiko.

Ang mga nakabinbin na mga petisyon ay itaas sa P3.00 hanggang P4.00 ang minimum na pasahe sa jeep.

Inaasahan naman sa susunod na linggo ang desisyon ng LTFRB sa mga petisyon ng taas pasahe sa oras na matanggap na ang position paper ng mga jeepney operators.

Facebook Comments