Hirit na taas-presyo sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal, ‘di pa siguradong aaprubahan ng DTI

Wala pang katiyakan na mapagbibigyan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit na apat na pisong taas-presyo sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

Sabi ni DTI Usec. Ruth Castelo, may mga karagdagang impormasyon pa silang hinihingi sa mga manufacturer upang mas mapag-aralan nila itong mabuti.

Sakali namang aprubahan ang dagdag-presyo, posibleng kalahati lamang ng halagang kanilang hinihiling ang ibigay ng DTI o hanggang dalawang piso.


“Kung saka-sakali po, ang tawad namin, 50% agad. Kasi yung P4 parang mahirap na yatang kayanin ng consumers natin, although naiintindihan natin yung sitwasyon ng PhilBaking kasi dinadala nila yung losses simula pa noong Ukraine war noong February. Pero hindi po natin sigurado kung kaya natin sa P4,” ani Castelo sa interview ng RMN DZXL 558.

Samantala, posibleng sa katapusan ng Oktubre o unahang bahagi ng Nobyembre ilalabas ng DTI ang desisyon nito sa hirit na taas-presyo sa tinapay.

Facebook Comments