Manila, Philippines – Ipinababasura ni Buhay PL Rep. at Senior Deputy Minority leader Lito Atienza sa Kamara ang hirit na 4.2 Billion pesos ng Bureau of Customs.
Ang 4.2 Billion ay para itustos sa mga bagong empleyado na kukunin sa 2018.
Target ng BOC na punuan ang tatlong libong bakanteng posisyon ng ahensya.
Giit ni Atienza, pag-aaksaya lamang ito ng pondo dahil balewala naman ang dagdag na mga empleyado kung hindi malilinis at marereporma ang BOC.
Samantala, duda ang kongresista kung kakayanin ng bagong Customs Commissioner na si Isidro Lapeña na patinuin ang ahensiya.
Tiyak na mahihirapan si Lapeña dahil mismong ang mga opisyal at empleyado ng BOC ay gustong manatili sa bulok na sistema ang ahensiya dahil dito sila kumikita.
Iginiit ni Atienza na para maputol ang ganitong kalakaran, kailangang pagtibayin ang tinatawag na prior screening sa mga shipment bago pumasok sa bansa kung saan sa port of origin pa lamang ay sasailalim na sa mahigpit na inspeksyon ang mga kargamento.