Hirit ng business sector na pagluwag sa protocol sa mga biyahero mula North America, kinontra ng DOH

Kontra ang Department of Health (DOH) sa rekomendasyon ng mga negosyante na luwagan na ang panuntunan para sa mga bakasyunista at biyahero mula sa North America.

Iginiit ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vmergeire, na nakabase ang protocols ng bansa sa patakaran ng Center for Disease Control (CDO) ng Estados Unidos na kasama sa mga bansa sa North America.

Sa ilalim aniya nito, ang pagluluwag ay ibinibigay lamang sa green countries o mga bansang may mababang banta ng COVID-19.


Sa ngayon aniya, 22 sa 23 na mga bansa sa North America ay nasa ilalim pa rin ng yellow o moderate risk classification kayat kailangan pa rin ang paghihigpit kahit sa mga fully vaccinated.

Kabilang sa mga kasama sa North America ay ang Antigua and Barbuda, Canada, Costa Rica, Mexico, Panama, at Estados Unidos.

Una nang hiniling ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na luwagan ang patakaran sa mga fully vaccinated mula North America ngayong kapaskuhan lalo na’t dito nagmumula ang malaking volume ng mga biyahero kapag Yuletide season.

Facebook Comments