Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kahilingan ng DILG na pansamantalang ipatigil ang pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan papuntang Region VI mula Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City, at Davao City.
Kasunod ito ng pagpapalawig ng isang linggo sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, habang nasa ilalim naman ng General Community Quarantine (GCQ) ang Davao City. Nasa ilalim naman ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Cebu City.
Sa abiso ng LTFRB, kabilang sa mga pansamantalang ipinagbabawal na bumiyahe papasok ng Region VI ay ang mga maghahatid ng mga sumusunod: mga returning residents, tourists, Authorized Persons Outside of their Residences (APOR), Returning Overseas Filipinos (ROFs), at Overseas Filipino Workers.
Hindi kasama sa ipinagbabawal ang pagbiyahe ng essential goods tulad ng pagkain, medical supplies, military aid, at relief efforts.
Gayunpaman, hindi rin kasama sa mga bawal bumiyahe ang mga drayber at pahinante na kasamang nagdadala ng rolling cargoes.