Hirit ng ilang transport group na “surge fee”, masusing pag-aaralan ng LTFRB; grupong Pasang Masda, muling nanindigan sa kanilang petisyon!

Naiintindihan ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang hinaing ng ilang transport group na matinding naapektuhan ng nagpapatuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahilan para humirit ng “surge fee”.

Sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na maituturing na “logical request” ang petisyon ito ng mga grupo ng driver ng jeep.

Dagdag pa ng kalihim, “valid” naman ang dahilan ng naturang mga driver.


Gayunpaman, kinumpirma ni Bautista na pag-aaralan pa ng mabuti ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inihain na petisyon ng ilang jeepney group hinggil dito.

Kailangan kasi aniya na balansehin ang sitwasyon at makapagpalabas na katanggap-tanggap na desisyon para sa mga jeepney driver at para sa mga pasahero.

Samantala, tiwala naman ang grupong Pasang Masda na ma-a-aprubahan ang kanilang hiling na “surge fee”, kung saan P1 dagdag-pasahe sa jeep at P2 sa bus tuwing rush hour.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Ka Obet Martin, presidente ng grupo na malaking tulong ang “surge fee” sa mga naghihirap na driver.

Sakaling pagbigyan ang kahilingan ng ilang transport group ay ipatutupad ng “surge fee” mula ala-singko ng madaling araw hanggang alas-otso ng umaga at mula ala-singko ng hapon hanggang alas-otso ng gabi.

Facebook Comments