Hindi kinatigan ng Korte Suprema ang hirit ng Office of the Solicitor General (OSG) na ikansela ang nakatakdang oral arguments sa Martes, February 2, kaugnay sa mga petisyon na kumukwestyon sa Anti-Terror Act.
Sa isang resolusyon, sinabi ng Korte Suprema na ipagpapatuloy ang nakatakdang oral arguments sa Martes at hihintayin din ang magiging kabuuan ng proceedings bago naman aktuhan ang mga petisyon na humihiling na itigil ang implementasyon ng nasabing batas.
Una nang naghain ng kanilang mosyon ang OSG na humihirit na ikansela muli ang oral arguments dahil maaaring magresulta ito sa posibleng pagkalat ng COVID-19 lalo na’t may bagong variant ng virus.
Matatandaan na una na ring naurong sa February 2 ang nasabing oral arguments na itinakda sana noong January 19 matapos magpositibo sa COVID-19 ang Assistant Solicitor General at ilang staff nito.
Samantala, napili naman ng Korte Suprema si Retired Supreme Court Justice Francis Jardeleza bilang Amicus Curiae, o Friend of the Court sa gaganaping oral arguments.
37 petition kontra Anti-Terror Law ang nakahain ngayon sa Korte Suprema.