Isa sa mga agenda ng susunod na pulong ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ay ang posibilidad na pagbabalik operasyon ng Lotto.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi maikakaila na malaki rin ang buwis na nakukuha ng gobyerno mula sa Lotto operations.
Ang makukuha aniyang buwis mula sa Lotto ay gagamiting pang-pondo sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Una nang sinabi ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na nagpadala siya ng liham kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagbabalik operasyon ng Lotto games.
Kasunod nito, inilatag na rin ni Garma ang mga minimum health standards na ipatutupad sa kanilang mga Lotto outlets sa oras na payagan na silang magbalik operasyon.