Hirit ng PNP-CIDG na palawigin ang panahon para sa digital forensic examination sa mga gamit na nakuha mula sa umano’y Chinese spy, kinatigan ng Korte

Pinagbigyan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 90 ang 30 araw na Motion for Extension of Time to Submit Computer Data na hiniling ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sa court order na pirmado ni QC RTC Branch 90 Presiding Judge Maria Zoraida Zabat Tuazon, nakasaad na binibigyan ang CIDG ng hanggang July 31, 2024 para matapos ang report sa examination ng computer data.

Kaya mula sa orihinal na 10 araw, gagawin nang 40 araw ang panahon para sa digital forensic examination sa mga gamit ng Chinese na hinihinalang espiya na naaresto ng pulisya sa Makati noong Mayo.


Nakasaad din sa kautusan ng Korte na matapos ang July 31 ay hindi na muling magkakaroon ng extension at kinakailangan na nilang mag-sumite ng final report.

Ayon sa PNP CIDG masyado kasing marami ang mga gamit ng Chinese na kinakailangang suriin at kulang ang 10 araw na unang binigay ng korte para sa Warrant to Examine Computer Data.

Kasama sa mga gamit na pinasusuri ng CIDG sa Anti-Cybercrime Group ang mga cellphone, antenna system, radio receiver/transmitter, router, aerial drone, pati na ang tablet at laptop ng umano’y Chinese spy.

Facebook Comments