Hirit ng transport group na pisong rush hour surge fee, ibinasura ng LTFRB; pondo para sa fuel subsidy, hinihintay na lang na maibaba ng DBM

Ibinasura ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hirit na pisong surge fee tuwing rush hour ng mga transport group.

Sabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, masyadong masakit sa bulsa ng mga pasahero ang pisong dagdag-pasahe.

Sa halip, sinisikap na aniya ng ahensya na maipamahagi sa lalong madaling panahon ang 2.9 billion pesos na halaga ng fuel subsidy para sa mga Public Utility Vehicle (PUV) driver na apektado ng sunod-sunod na oil price hike.


Umaasa si Guadiz na maibababa na sa kanila ng Department of Budget and Management ang pondo sa biyernes o sa Lunes.

Nasa ₱1,000 hanggang ₱10,000 ayuda ang matatanggap ng mga tsuper depende sa klase ng ipinapasada nilang PUV.

Hindi naman kasama sa maaayudahan ang mga motorcycle taxi.

Facebook Comments