Kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, ang hiling ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon laban sa confidential funds.
Ang nabanggit na petisyon sa Supreme Court ay inihain ni Castro at ng iba pang miyembro ng Makabayan bloc na kumukwestyon sa constitutionality ng ginawang paglipat ng 125 million pesos mula sa Office of the President patungo sa Office of the Vice President (OVP) noong 2022
Binanggit sa petisyon na ginamit umano ang nabanggit na salapi bilang confidential funds na inubos sa loob lamang ng 11 araw batay sa datos ng Commission on Audit.
Giit ni Castro, hindi katanggap tanggap ang argumento ng kampo ni VP Sara na pawang mga hinala at alegasyon lamang ang petisyon.
Diin ni Castro, hindi “theoretical” lamang ang confidential funds ni VP Sara dahil ginastos nito ang P125 milyong confidential funds noong 2022 na ginamit na lang sana upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.
Dagdag pa ni Castro, sa ilalim ng 2022 national budget ay walang nakalaang confidential funds para sa OVP at iba pang civilian agency.