HIV cases sa bansa, posibleng pumalo sa 100,000 sa kalagitnaan ng taon

Nagbabala si Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor, na posibleng pumalo sa 100,000 ang HIV cases sa bansa sa kalagitnaan ng taong 2022.

Sinabi ng kongresista na hindi malabong magkaroon ng surge ng mga bagong HIV infection cases dahil sa pagkaantala ng ibang mga health services na dulot ng COVID-19 pandemic.

Noong 2021, aabot sa 12,341 na bagong HIV infections ang na-diagnosed sa bansa, na mas mataas ng 54% mula sa 8,036 new HIV cases na naitala noong 2020.


Batay sa National HIV/AIDS Registry, dahil sa mabilis na pagtaas ng mga bagong kaso ng impeksyon ay umangat sa 94,337 ang kumpirmadong HIV cases sa bansa noong nakaraang taon kaya naman posibleng maabot ang 100,000 mark ng mga kaso sa unang kalahating taon.

Umaapela si Defensor sa susunod na Kongreso na dagdagan ang taunang pondo para sa HIV prevention at treatment upang matugunan ang pagtaas ng mga bagong kaso at mataas na demand sa gamutan ng mga pasyente.

Facebook Comments