
May ibang imbestigasyon na isasagawa sakaling hindi magtugma sa sinuman sa pamilya ng mga nawawalang sabungero ang nadiskubreng kalansay sa Taal Lake sa Batangas.
Ito ang sinabi ng Department of Justice (DOJ) ngayong umarangkada na ang search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard (PCG) para hanapin ang mga bangkay ng mga sabungero.
Sa ambush interview, sinabi ni DOJ Spokesperson Asec. Mico Clavano na kung iba sa mga hinahanap na indibidwal ang nakitang bangkay, magkakaroon ng hiwalay na imbestigasyon.
Ayon pa kay Asec. Clavano, maging sila ay nasurpresa din kahapon nang may madiskubre na mga kalansay ang mga hiwalay na operatiba mula naman sa PNP-CIDG.
Ngayong araw, dalawang beses nagsagawa ng search and retrieval operation ang PCG sa bahagi ng Laurel, Batangas kung saan may mga panibagong sako na nakapa sa ilalim ng lawa.









