Walang nakikitang masama at welcome sa Philippine National Police (PNP) ang ginagawang hiwalay na imbestigasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) hinggil sa umano’y nangyaring cover-up sa pagrekober ng PNP Drug Enforcement Group ng 990 kilo ng shabu mula kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., noong nakaraang Oktubre, 2022.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, hindi nila nakikita na taliwas ito sa ginagawang imbestigasyon ng Special Investigation Task Group SITG 990.
Ani Fajardo, nakikipagtulungan ang SITG 990 sa fact-finding Committee ng NAPOLCOM para maresolba ang naturang usapin.
Paliwanag pa nito, nakapagbigay na ang SITG ng mga dokumento at mga ebidensya sa NAPOLCOM bilang bahagi ng pagtutulungan ng dalawang ahensya upang malaman ang buong katotohanan sa insidente.
Naniniwala rin ang opisyal na bahagi lamang ito ng checks and balances.
Matatandaang inutusan ni Deparment of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang NAPOLCOM na magsagawa ng sariling imbestigasyon matapos na mabagalan sa itinatakbo ng imbestigasyon ng PNP.