Manila, Philippines – Isinusulong ni Sen. Antonio Trillanes ang pagkakaroon ng hiwalay na imbestigasyon sa senado sa tara system sa Bureau of Customs.
Sabi ni Trillanes, dapat itong ma-imbestigahan dahil malaki ang nawawalang kita ng gobyerno dahil sa katiwalian sa ahensya.
Sa listahan kasi ni Sen. Panfilo Lacson, nangunguna si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa mga tumatanggap daw ng milyun-milyong pisong tara o suhol bilang kapalit ng madaling pagpasok ng mga kargamento.
Ayon naman kay Sen. Sonny Angara, Chairman ng Ways and Means Committee, ipauubaya na lang niya ang isyu sa Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon.
Pwede rin naman aniya itong isama ng komite sa pagtalakay sa mahigit 600 kilo ng shabu na naipuslit sa Pilipinas galing China.
Ipagpapatuloy naman ngayong araw ang pagdinig ng Senado tungkol dito.