Hiwalay na korte para sa mga OFWs, isinusulong ng isang senador

Inihain ni Senator Raffy Tulfo ang isang panukalang batas na layong bumuo ng hiwalay na claims court para sa mga Filipino migrant workers.

Layon ng Senate Bill 1480 na tugunan ang lumalaking problema sa mabagal, magastos at kumplikadong proseso ng pagresolba ng labor disputes ng mga Filipino migrant workers.

Sa ilalim ng Migrant Workers Relations Commission (MWRC) Act, magtatatag ng hiwalay na korte para sa mga Overseas Filipino Worker (OFWs) at ito ang tutugon sa mga tumataas na kaso ng mga paglabag sa contract employment, hiring, processing, at termination ng mga migrant workers.

Tinukoy ng senador na batay sa tala ng National Labor Relations Commission (NLRC), aabot sa 30,000 ang mga kaso na kanilang pinoproseso kada taon dahilan kaya mabagal at maraming backlog sa mga OFW cases.

Sa panukala, ang MWRC ang magkakaroon ng hurisdiksyon sa lahat ng mga kaso ng mga Filipino migrant workers, sa parehong land-based at sea-based, at kahit mayroon o walang collective bargaining agreement ang OFW.

Facebook Comments